OFW hinoldap ng taxi driver, 2 pa

MANILA, Philippines - Nalimas ang mga gamit at pera ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) ma­tapos na holdapin ng tatlong kala­lakihan ka­bilang ang isang taxi driver na kanyang sinak­yan nang dumating sa airport buhat sa Taiwan ka­hapon ng madaling-araw.

Tila mauupos na kandila sa kalungkutan ng dumulog sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detective unit ng Quezon City Police ang biktimang si Estelita Caron­bales Salgado, 40, dalaga, ng Poblacion I, Hantic, Antique, para humingi ng tulong.

Sa pagsisiyasat ng pu­lisya, kadarating lamang ng biktima sa bansa ganap na ala-1:20 ng madaling-araw mula ban­sang Taiwan bilang domestic helper.

Mula dito ay sumakay ng taxi ang biktima at nagpa­hatid sa isang Pier sa Manila para sumakay ng barko patungo naman sa kanyang bayan sa Antique.

Habang binabagtas ang Sucat Road sa C-5 Road, biglang pinasakay ng taxi driver ang dalawang kalala­kihan at pagsapit sa likod ng isang mall sa Parañaque ay saka tinutukan ang biktima ng patalim at nagdeklara ng holdap.

Sa di kalayuan sa lugar ay pinababa ng mga suspect ang biktima at tinangay ang mga gamit at pera nito. Pero bago tuluyang makalayo ang taxi ay natukoy ito ng biktima bilang Billgate Taxi na may plakang TXA-814.

Nabatid naman sa may-ari ng Billgate Taxi na isang Franc Regala, 35, may-asawa at residente sa 21 Rodriguez St. Broadway, Brgy. Kalusu­gan Quezon City ang nagma­maneho nang maganap ang insidente habang ang dala­wang ka­samahan nito ay nakilala sa mga alyas na Edwin at Michael.

Natangay sa biktima ang tatlong cellphones, P15,000; isang kahon na naglalaman ng mga personal na gamit; P6,500 cash; 60 dinar, at handbag.

Samantala, ang naturang kaso ay nakatakdang iturn-over ng CIDU sa pamama­hala ng Parañaque Police na siyang may hurisdiksyon dito.

Show comments