OFW hinoldap ng taxi driver, 2 pa
MANILA, Philippines - Nalimas ang mga gamit at pera ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) matapos na holdapin ng tatlong kalalakihan kabilang ang isang taxi driver na kanyang sinakyan nang dumating sa airport buhat sa Taiwan kahapon ng madaling-araw.
Tila mauupos na kandila sa kalungkutan ng dumulog sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detective unit ng Quezon City Police ang biktimang si Estelita Caronbales Salgado, 40, dalaga, ng Poblacion I, Hantic, Antique, para humingi ng tulong.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, kadarating lamang ng biktima sa bansa ganap na ala-1:20 ng madaling-araw mula bansang Taiwan bilang domestic helper.
Mula dito ay sumakay ng taxi ang biktima at nagpahatid sa isang Pier sa Manila para sumakay ng barko patungo naman sa kanyang bayan sa Antique.
Habang binabagtas ang Sucat Road sa C-5 Road, biglang pinasakay ng taxi driver ang dalawang kalalakihan at pagsapit sa likod ng isang mall sa Parañaque ay saka tinutukan ang biktima ng patalim at nagdeklara ng holdap.
Sa di kalayuan sa lugar ay pinababa ng mga suspect ang biktima at tinangay ang mga gamit at pera nito. Pero bago tuluyang makalayo ang taxi ay natukoy ito ng biktima bilang Billgate Taxi na may plakang TXA-814.
Nabatid naman sa may-ari ng Billgate Taxi na isang Franc Regala, 35, may-asawa at residente sa 21 Rodriguez St. Broadway, Brgy. Kalusugan Quezon City ang nagmamaneho nang maganap ang insidente habang ang dalawang kasamahan nito ay nakilala sa mga alyas na Edwin at Michael.
Natangay sa biktima ang tatlong cellphones, P15,000; isang kahon na naglalaman ng mga personal na gamit; P6,500 cash; 60 dinar, at handbag.
Samantala, ang naturang kaso ay nakatakdang iturn-over ng CIDU sa pamamahala ng Parañaque Police na siyang may hurisdiksyon dito.
- Latest
- Trending