3 holdaper sinalvage
MANILA, Philippines - Magkakasunod na itinumba ng mga hindi nakikilalang salarin ang tatlong hinihinalang mga holdaper at magnanakaw na natagpuan ang mga bangkay sa magkakahiwalay na lugar sa Pasig City mula nitong nakaraang Sabado.
Pinakahuling natagpuan dakong alas-5:55 kahapon ng umaga sa tapat ng Palmdale Condominium sa Sandoval Ave., Brgy. Pinagbuhatan ang bangkay ng isang lalaki na nasa pagitan ng 30-35 anyos, may taas na 5’5”, katamtaman ang katawan at nakasuot ng pulang t-shirt at maong na pantalon.
Tadtad ng tama ng saksak sa katawan ang biktima at nakapatong sa ibabaw ng katawan ang placard kung saan nakasaad ang katagang: “Holdaper kami huwag tularan.”
Dakong alas-10 naman ng umaga nang pagbabarilin ng hindi nakilalang lalaki ang 26-anyos na si Antonio Mangundayao, Jr., ng no. 4057 Duhat Extension, Napico, Brgy. Manggahan, Pasig City. Nabatid na bumibili sa isang tindahan sa naturang lugar ang biktima nang lapitan ito ng tatlong lalaki at dalawang beses na paputukan ng kalibre .45 baril ng malapitan sa batok sanhi ng agad nitong kamatayan.
Bago tumakas, isa sa mga salarin ang nagpatong pa ng placard sa ibabaw ng bangkay ni Mangundayao na nakasulat ang katagang: “huwag tularan magnanakaw, pusher.”
Nauna dito, dakong alas-4:10 kamakalawa ng madaling-araw nang matagpuan naman ang bangkay ng isang lalaki sa bakanteng lote sa may Eusebio sa Bgy. San Miguel, ng nasabing lungsod.
Inilarawana ang bangkay na nasa pagitan ng 30-35 anyos, maikli ang buhok, nakasuot ng asul na t-shirt at pantalong maong at tadtad ng saksak sa katawan.
Isang placard rin na nakasulat ang katagang: “Wag tularan holdaper kami, bawal ang holdaper sa Pasig,” ang inilagay sa bangkay. Isang handbag rin ang natagpuan kung saan isang identification card ng isang Edgar Guban na biktima na sinasabing biktima ng hold-up ng nasawi.
Nahihirapan naman umano ang pulisya na resolbahin ang magkakasunod na kaso dahil sa wala silang makuhang saksi sa mga krimen dahil na rin umano sa posibleng takot na sila naman ang balikan ng mga salarin.
- Latest
- Trending