2 tren ng LRT nagkasagian
MANILA, Philippines - Nayupi ang maliit na parte ng isang tren ng Light Rail Transit Authority (LRTA) Line 1 makaraang bahagyang mabundol ng isa pang tren nang mawalan ng kontrol ang operator nito, kamakalawa ng hapon sa Balintawak, Quezon City.
Sa pahayag ng LRT Line 1, naganap ang aksidente dakong ala-1:26 ng hapon sa may Balintawak station na isa sa mga istasyon ng Line 1 North Extension project.
Nabatid na nag-overshoot umano ang “4-car fourth generation train” sa nakatakda nitong “stop mark” sa Balintawak station sanhi upang masanggi ang isa pang “1st generation train” na nakahinto sa naturang istasyon. Sanhi nito, bahagyang nayupi ang likurang bahagi ng nasanggi na tren.
Nilinaw naman sa PSN ni Cristina Cassion, tagapagsalita ng LRTA, na walang banggaan na nangyari at wala ring nasaktan na pasahero sa insidente. Iniimbestigahan na umano ang insidente sa kanilang Security and Safety Division.
Samantala, patuloy pa rin ang konstruksyon ng LRT North Extension mula Monumento hanggang West Avenue na nagka-aberya na sa orihinal na panahon ng pagbubukas at inaasahang magiging “fully operational” sa pagtatapos pa ng kasalukuyang taon.
- Latest
- Trending