Basaan sa San Juan naging mapayapa
MANILA, Philippines - Hindi tulad ng mga nakaraang taon na marami ang nagkakapikunan, naging mapayapa kahapon ang basaan sa pagdiriwang ng “Wattah-Wattah Festival” sa San Juan City na bahagi ng selebrasyon ng pista ng Poong si San Juan Bautista.
Sakay ng isang trak ng bumbero, pinangunahan mismo ni outgoing Mayor JV Ejercito ang pambabasa sa mga residente at mga motorista na dumaraan sa mga kalsada ng lungsod.
Kapansin-pansin naman na maluwag ang kalsada sa dating masikip na daloy ng trapiko sa lungsod dahil sa pag-iwas ng mga motorista na dumaan sa lungsod habang ang ilang motorista at mga sakay ng mga pampasaherong jeep na nabuhusan ng tubig ay hindi naman napikon.
Mistulang malaking “army” ang mga residente ng lungsod nang punuin ng bata at matanda na armado ng mga “water gun, hose at tabo” ang gilid ng mga kalsada upang mambasa habang nagsasayaw bilang pagsalamin sa pagbibinyag ni San Juan gamit ang tubig.
Nagpakalat naman ang pulisya ng higit sa 200 pulis sa mga kalsada upang maiwasan ang anumang insidente ng karahasan na maaaring sumiklab dahil sa posibleng pikunan na masuwerte namang walang naitala.
- Latest
- Trending