Broker, 2 pa laglag sa cocaine
MANILA, Philippines - Nabitag sa isinagawang buy-bust operation ng Manila Police District (MPD) ang tatlong hinihinalang drug pusher, kabilang ang isang umano’y customs broker, sa pagbebenta ng cocaine sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Nakapiit na sa MPD-station 3 ang mga suspect na sina Michael Marcelo, 28, broker; Alfredo Paseos, 48 at Arnel Abad Onabla, 38 .
Ayon sa report, dakong alas-6:00 ng gabi nang isinagawa ang buy-bust operations sa kanto ng Rizal Ave., at Ronquillo St., Sta Cruz, Maynila.
Ang entrapment ay isinagawa makaraang makatanggap ng ulat hinggil sa transaksiyon ng droga sa lugar kaya nagsagawa ng surveillance kung saan nakumpirma umano na sina Onabla at Paseos ang umano’y mga nagpapakalat ng mga high grade cocaine sa Sta. Cruz area na ibinabagsak sa kanila sa Makati City.
Isang poseur-buyer din ang nakalusot na nakabili ng cocaine at sa aktong nagpapalitan ng droga at pera ang mga ito ay dinakma na sila ng mga operatiba.
Nakuha sa mga inarestong suspek ang tinatayang 48.443 gramo ng cocaine na may street value na P250,000.
- Latest
- Trending