MANILA, Philippines - Isang Malaysian national ang nahulihan ng 10 kilo ng methamphetamine hydrochloride o mas kilala sa tawag na shabu na nagkakahalaga ng may 100 milyong piso matapos itong dumating sakay ng eroplano ng Philippine Airlines (PAL) flight PR-733 galing Bangkok, Thailand, kahapon ng umaga.
Kinilala ni MIAA general manager Atty. Melvin A. Matibag, ang suspek na si Hou Eng Pheow.
Ayon kay Matibag, pinagdudahan ng Customs ang hindi mapakaling suspek kaya sinundan nila ang bawat kilos nito habang nasa arrival area ng paliparan.
“Parang may hinahanap siyang tao dahil panay ang tingin nito sa may pintuan malapit ng Customs arrival area”, ani Matibag.
Ayon sa ulat, sinita ng Customs examiner ang suspek para ipakita na nito ang kanyang ba gahe pero mabilis itong kumaripas ng takbo palabas ng Customs arrival area pero agad naman siyang nahuli ng mga Customs police.
Sinabi ni Matibag, na nang buksan ang kanyang bagahe ay tumambad sa kanila ang may 10 pakete ng shabu na nakatago sa ilalim ng maleta nitong dala.
Si Pheow, ay pangalawa sa Malaysian national na nadakma sa loob ng airport na may dalang shabu.