Salvage victim lumutang sa Ilog Pasig
MANILA, Philippines - Isang hinihinalang biktima ng summary execution ang lumutang sa Pasig River, malapit sa Delpan road, Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ni Det. Jaime Gonzales, ng Manila Police District-Homicide Section, nakagapos ng packaging tape ang ulo ng biktimang inilarawang nasa 25 hanggang 37 ang edad, may taas na 5’6, katamtaman ang pangangatawan at walang suot pang-itaas.
Nakita din ang kulay berde na tuwalyang nakapulupot sa leeg ng biktima na hinihinalang ginamit pansakal o pambigti.
Isang Gloria Sablad, 53, ang nakakita sa lumulutang na bangkay habang naglalakad sa Delpan. Agad nitong ipinagbigay-alam sa mga tanod ng Bgy. 649 Zone 28 sa Baseco Compound, Tondo, ang bangkay.
Naaagnas na umano ang bangkay na hinihinalang may ilang araw nang patay. Dinala ang bangkay sa St. Harold Funeral Parlor.
- Latest
- Trending