MANILA, Philippines - Pinag-iingat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang publiko sa isang herbal plant na galing Mexico at posible umanong maging ka level ng “marijuana” kapag nasinghot o naipahid sa gilagid ng isang tao.
Sa pulong Balitaan sa Tinapayan sa Dapitan, sinabi ni Usec. Rommel Garcia, Vice Chairman & Permanent Board member ng PDEA, na nadiskubre nila ang “salvia dinorum” (SD) sa isang lugar sa Teachers Village sa Quezon City at kilala din ito sa Mexico bilang “divine sage” .
Ayon kay Garcia, ang dahon ng SD, ay nakaka-pag hallucinate, kung masisinghot at nginuya ng hanggang 30 minuto at may tamang “laughing trip”.
Mas matagal din ang tama nito kung ipinahid sa gilagid kumpara sa sinisinghot na parang sigarilyo. Aniya, tingin ng gagamit nito sa isang tao ay parang cartoons kung kaya’t tawa ito ng tawa.
Tulad ng marijuana, pinatutuyo muna ang dahon bago gamitin.
Madali lang din umano itong itanim, sa pamamagitan ng pagputol ng tangkay na nagkaka-ugat sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo. Hindi tulad ng marijuana na itinatanim sa pamamagitan ng buto.
Bagama’t hindi pa bawal ang SD sa Pilipinas, may isinasagawa nang pag-aaral ang PDEA sa nabanggit na halaman, para malaman kung dapat itong ipagbawal sa mga susunod na panahon sa pangamba na pagmulan ito ng “addiction” ng mga kabataan.
Nabatid na ang SD plant ay ginagamit noong unang panahon bilang gamot sa anemia, sakit sa ulo, anti-depressant at pagtatae, hanggang sa nadiskubre na maaari pala itong lumikha ng hallucination at vision kapag nasinghot at nanguya.
Gayunman, tulad ng marijuana posible umanong 30 ulit na mas mabilis na madapuan ng sakit na “cancer” ang sinumang malululong sa SD, kumpara sa mga taong hindi sumubok na gumamit nito.
Gayundin, maaring pagmulan ng pagkasira ng regla sa mga kababaihan ang paggamit ng SD.