Kelot lasog sa kotse

MANILA, Philippines - Kalunus-lunos ang sinapit ng isang driver ng motorsiklo makaraang araruhin ng isang kotse matapos na mawalan ng kontrol ang tsuper nito, kahapon ng madaling-araw sa Las Piñas City.

Nakilala ang nasawi na si Roderick Berlos, 28-anyos, residente ng Aries St., Brgy. Pamplona I, ng naturang lungsod.  Nabatid na nabasag ang ulo at nagkadurug-durog ang buto at katawan nito habang wasak rin ang sinasakyan niyang motorsiklo.

Nadakip naman ang suspek na si Mark Vicente Manansala, tsuper ng nakasagasa na Honda City (NOH-386), at naninirahan sa Gem Road, Pilar Village, Las Piñas.

Sa ulat ng Las Pinas police Traffic Enforcement Unit, naganap ang insidente dakong ala-1:10 ng madaling-araw sa kahabaan ng Alabang-Zapote Road sa Brgy. Talon 1.

Nabatid na tumatakbo sa parehong lane ang dalawang sasakyan nang mawalan umano ng kontrol si Manansala sa kanyang kotse at mapaharurot ito sanhi upang mabundol at mapailalim ang biktimang si Berlos lulan ng kanyang motorsiklo.

Nakadetine ngayon si Manansala sa Las Piñas detention cell at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.

Show comments