MANILA, Philippines - Dalawang illegal recruiters na hinihinalang miyembro ng sindikato ng human trafficking ang nasabat ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kasabay ng pagkakaharang sa siyam na hinihinalang “tourist workers”.
Sa ulat ni BI-airport operations division Chief Ferdinand Sampol kay Commissioner Marcelino Libanan, pasakay na sa Cebu Pacific patungong Kuala Lumpur sa NAIA terminal 3 ang mga suspek nang masabat ang mga ito.
Ang nasabing mga “tourist workers” umano ay nagmula pa sa liblib na lugar sa Cavite, Capiz at Bicol at inamin na magtatrabaho sila sa Kuala Lumpur bilang waiters at waitress at binigyan lamang sila ng partial fees sa kabuuang P80,000 kada isa.
Tumanggi naman si Sampol na ibigay ang pangalan ng mga hinihinalang recruiters at mga biktima nito dahil ang kaso ay iniimbestigahan na sa Department of Justice (DOJ).
Sa ilalim ng Republic Act 9208, sa ilalim ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ay inatasan ang BI na siguruhin ang departure at arrival requirements ng mga pasahero at maipatupad ang seguridad sa paglaban sa human trafficking.
Base sa record ng BI simula 2007 hanggang 2009 umaabot na sa 18,000 Filipinos ang nasabat sa NAIA at iba pang pangunahing ports sa buong bansa na nagpapanggap bilang “tourist workers” o OFWs na nagkukunwaring turista.