Police station pinutulan ng kuryente
MANILA, Philippines - Mistulang baldado ngayon ang lahat ng tanggapan sa Police Station 10 ng Quezon City Police makaraang putulan ng suplay ng kuryente simula kahapon.
Kaya naman sa halip na matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayang nasasakupan, putol din ang serbisyo ng nasabing mga tanggapan bunga na rin ng kawalang magamit na kasangkapan, partikular ang computer.
Bukod dito,kasama rin sa nawalan ng kuryente ang hanay ng Traffic Sector 4 ng QCPD kadikit din ang tanggapan sa nasabing police station. Maging ang tanggapan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ay hirap din sa kanilang serbisyo dahil ang kanilang kasangkapan na pangunahing ginagamit sa pagsusuri ng mga ebidensya ay hindi na rin mapapagana.
Naging ganito kasaklap ang nangyari sa nasabing pamunuan dahil sa problema sa utang sa Meralco na nagsimula pa noong taong 2005 na umabot sa P44 milyon na hindi nababayaran.
Magkagayunman, kahit hirap, ayon sa mga nakatalagang pulis dito, gagawin pa rin nila ang kanilang tungkulin matugunan lamang ang pangangailangan ng mga mamamayang lumalapit sa kanila, kahit bumalik pa sila sa sinaunang pamamaraan ang paggamit ng makinilya sa halip na computer.
- Latest
- Trending