MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga hindi nakilalang hitman ang Italyanong manager ng restoran ng Shangri-La Hotel sa Makati City kahapon ng umaga.
Kinilala ni Makati police chief, Sr. Supt. Froilan Bonifacio ang biktima na si Sergio Mazza, 38, direktor ng “food and beverage section” ng naturang hotel sa lungsod. Nasawi ito dahil sa tama ng bala sa ulo.
Sa inisyal na ulat ng Makati police, naganap ang pamamaslang pasado alas-7 ng umaga sa Dela Costa St. malapit sa Perea St. sa Brgy. San Lorenzo, ng naturang lungsod.
Nabatid na naglalakad mag-isa ang biktima nang sunud-sunod na paputukan ng mga hindi nakilalang suspek. Narekober malapit sa bangkay ng biktima ang tatlong basyo ng bala ng kalibre .22 baril na ginamit sa krimen.
Ibinasura ng pulisya ang anggulong panghoholdap ang ugat ng krimen dahil sa hindi naman ninakawan ang biktima kung saan maging ang dalang mamahaling cellphone nito ay hindi tinangay ng mga salarin.
Blangko naman ang pulisya sa pagkakakilanlan sa mga suspek na hinihinalang mga bayarang “hitman”. Naghahanap pa ang mga imbestigador ng mga posibleng saksi sa krimen habang nakatakdang mag-imbestiga sa mga kasamahan nito sa trabaho at mga kakilala upang makakuha ng impormasyon para sa ikalulutas ng krimen.