Beautician hubo't hubad nang matagpuang patay

MANILA, Philippines - Hubo’t hubad nang matagpuan ang bangkay ng isang beautician mismo sa loob ng kanyang parlor sa Valenzuela City kahapon ng umaga.

Nakilala ang biktima na si Joel Yap, alyas Joy Yap, 39, ng Lawang Bato ng lungsod na ito.

Ayon sa inisyal na report ng pulisya,  alas-8 ng umaga  nang makitang patay ang biktima at walang saplot sa loob ng Joy Yap Saloon ng nasabing lugar.

Nabatid kay Narcisa Fabre, kaibigan ng biktima, nagpunta siya sa nasabing parlor at kinatok ang biktima.

Nang walang sumasagot ay humingi na siya ng tulong sa mga barangay tanod at sapilitan binuksan ang pintuan ng parlor. Laking gulat ng mga ito nang makitang walang saplot na nakahandusay at wala nang buhay ang biktima.

Inaalam na ng mga pulis ang dahilan ng pagkamatay ng biktima.

Show comments