MANILA, Philippines - Arestado ang limang kalalakihan kabilang na ang isang bagitong pulis na nagkuntsabahan sa pagpatay sa isang lalaki matapos na karnapin ang sports utility vehicle nito kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Nakilala ang mga nadakip na sina PO1 Reynaldo Nuque, nakatalaga sa Northern Police District, ng Tugatog, Malabon City; Willy Ciano, ng Muzon, Taytay, Rizal; Robin Barlan, ng Balangkas, Valenzuela City; Christopher Dikit, ng Meycauayan, Bulacan; at Joseph Dela Cruz, ng Malabon City.
Ang limang suspect ang itinuturong responsable sa pagpaslang sa biktimang si Jess Noel Litao, na tinatayang nasa 28-35 , may taas na 5’5”, maputi, maskulado, at nakasuot ng asul na t-shirt nang maganap ang krimen.
Sa ulat ng Caloocan police, naganap ang insidente dakong alas-7 ng gabi sa may Bagbaguin Road, Bagumbong, ng naturang lungsod.
Nagpapatrulya ang mga barangay tanod sa lugar nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril na agad nilang nirespondehan.
Dito nakita ng mga tanod ang duguang si Litao. Agad namang iniulat ng mga tanod ang krimen sa Caloocan police at Meycauayan, Bulacan police na nagsagawa ng operasyon at nagresulta sa pagkakadakip sa apat na mga suspect na lulan ng puting Mitsubishi Adventure (ZRN-604) na tinangay nila kay Litao.
Nasakote naman sa isinagawang follow-up operation ang pulis na si Nuque sa Monumento, Caloocan makaraan ang ilang oras.
Nahaharap ngayon ang mga suspect sa mga kasong carjacking at murder at pawang mga nakaditine sa Caloocan detention cell. Sinampahan rin ng kaukulang kasong administratibo si Nuque na posibleng magresulta sa pagkakasibak nito sa tungkulin.