MANILA, Philippines - Dumating na kahapon sa bansa ang itinuturing na No. 1 most wanted sa Pilipinas matapos itong mahuli dahilan sa paglabag sa immigration laws ng mga awtoridad sa Thailand, ayon sa Philippine National Police (PNP) kahapon.
Ang suspect na si Jose Ma. Panlilio , may patong sa ulong limang milyong piso ay wanted sa kasong pagpatay sa magkapatid na sina Albert at Ariel de Castro sa Laguna noong Hulyo 2003.
Batay sa report, ang suspect ay naaresto ng Interpol sa Bangkok habang gumagamit ng iba’t-ibang passport matapos ang pitong taong pagtatago sa batas.
Agad namang pinapurihan ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa ang epektibong pagtutulungan ng International Police (Interpol) ng bawat bansa laban sa pag-aresto sa mga most wanted.
“Interpol manifest the effectiveness of the global anti- crime network established by international and foreign law enforcement community particularly against transnational criminals who cross foreign borders. We look forward to a successful prosecution of Panlilio under the Phil. Justice system for the crimes he has been indicted for”, pahayag ni Verzosa.
Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Leonardo Espina, dakong alas- 6 ng umaga ng lumapag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal (NAIA) 3 lulan ng Cebu Pacific flight 932 galing Bangkok, Thailand ang suspect.
Ayon kay Espina si Panlilio ay ineskortan nina Chief Inspector Edgard Hernandez ng Philippine Center for Transnational Crime (PCTC) at ng mga elemento ng PNP Intelligence kung saan agad itong dinala sa Camp Crame.
“ Panlilio is undergoing standard custodial procedures such as booking and medical examinations “, ang sabi ni Espina.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Espina na ikinulong si Panlilio sa PNP-Custodial Center kung saan guwardiyado ito.
Labis naman ang pasasalamat ng pamilya ng mga biktima sa pagkakaaresto sa naturang suspect .
Matatandaang natagpuang tadtad ng tama ng bala ang magkapatid na Ariel at Albert sa isang lugar sa Laguna noong Hulyo 2003.