Pekeng parak huli sa kotong
MANILA, Philippines - Naglakas-loob na magsum bong ang isa sa ‘kuliglig’ (improvised bicycle na may- side car) driver na madalas mabiktima ng pangongotong, na nagresulta sa pagkaka-aresto sa isang nagpapanggap lamang na pulis sa isinagawang entrapment operation ng Manila Police District-General Assignment Section, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sa pangunguna ni C/Insp. Marcelo Reyes, inaresto ang suspect na diumano’y nagpakilalang si PO2 Jose Magpantay at nadiskubreng isa lamang palang civilian volunteer ng MPD-station 2, at stay-in sa Moriones Police Station.
Ayon kay Reyes, inakala nilang totoong pulis ang inirereklamo sa pangongotong at nang isagawa ang operasyon ay nadiskubre nilang pekeng pulis ito. Una umanong dumulog ang complainant na si Rexielyn Belza kay (Ret.) Colonel Carlos Baltazar, hepe ng Department of Public Safety (DPS) upang mapalaya ang tiyuhin niya na si Jaime Barrientos, na dinakip ni Magpantay at na-impound pa umano ang kuliglig dakong alas-2 ng hapon, sa Tabora St., kahit walang violations na nagawa.
Nang makiusap umano si Belza ay ipinatutubos ang tiyuhin nito at ang kuliglig sa halagang P500 at hindi na kakasuhan.
Nadakip si Magpantay nang tanggapin niya ang P500 mula kay Belza sa Asuncion-PCP, kung saan nalaman ng grupo ng MPD-GAS sa mga lehitimong nakatalagang pulis doon na hindi pulis si Magpantay, kundi bodyguard o alalay lamang ng isang opisyal doon.
Narekober kay Magpantay ang isang 9mm Armscor pistol kaya nahaharap siya sa mga kasong robbery extortion, usurpation of authority at paglabag sa omnibus election code, dahil ngayong araw pa lamang (Hunyo 10) ganap na ili-lift ang Comelec gun ban.
- Latest
- Trending