14 tiklo: Diploma mill sa Maynila sinalakay
MANILA, Philippines - Bunsod na rin ng mga reklamong natatanggap ni Manila City Administrator Jesus Mari Marzan, 14 katao na responsable sa paggawa ng mga pekeng diploma at iba pang documents sa kahabaan ng Claro M. Recto sa Maynila ang bumagsak sa kamay ng mga operatiba kahapon.
Ayon kay Marzan, walang tigil ang dagsa ng reklamo sa kanilang tanggapan kung kaya’t agad na isinagawa ang pagsalakay sa pagawaan ng pekeng diploma at iba pang dokumento na ikinagulat pa ng mga suspect.
Ani Marzan seryoso silang walisin ang lahat ng uri ng pamemeke sa lungsod upang tuluyan ng mabura ang taguri sa Maynila bilang sentro ng ‘fake diploma mill’.
Kabilang sa mga naaresto at nahaharap sa kasong falsification of public documents at violation of Revised Ordinance 1119 (Obstruction/fixer) sina Crisanto Borja, Jomer Domingo, Mark Anthony Mustasa, Alfredo Castro, Leonardo Sambillo, Grace Santo, Emma Lim, Zeny Castillo, Lando Jologado, Bombet Franias, Edmund Era, Oscar Magno, Crispin Francisco at Myla Tuazon.
Nabatid sa ulat na tinatayang umaabot ng mula P500 hanggang P1,000 ang halaga ng pagpapagawa ng pekeng diploma at transcript of records depende sa kolehiyo o pamantasan na gagamitin. Mas mahal naman kung exclusive schools at kilalang state university ang papalsipikahing diploma at transcripts.
Nabatid na maging birth certificates, drivers license at maging pekeng mga titulo ng lupa ay minamaniobra sa lugar na ito ng C.M. Recto at Sta. Cruz area.
- Latest
- Trending