MANILA, Philippines - Mahigit sa 200 pulis na bumagsak sa nakaraang “Graded Physical Fitness Test (GPFT)” ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang itatalaga sa Camp Bagong Diwa upang dalawang buwang mag-ehersisyo.
Sa nakaraang 2010 1st semester ng GPFT, may 231 pulis (opisyal at non-commission) ang bumagsak. Inirekomenda ni NCRPO chief, Director Roberto Rosales sa Philippine National Police sa pamamagitan ng isang memorandum na i-relieve ang mga ito sa kani-kanilang puwesto, at ire-assign sa NCRPO para sumailalim sa dalawang buwang “re-training”.
Kasama rin sa isasailalim sa muling pagsasanay ang mga pulis na hindi pinayagang sumailalim sa eksaminasyon sa dalawang magkasunod na pagkakataon dahil sa problema sa kalusugan at medical na rason.
Layon umano ng 2 buwang physical program ang palakasin ang kalusugan ng mga pulis upang makapasa na sa mga susunod na GPTS. Pamamahalaan ang programa ng Regional Plans and Training Division (RPTD) at Regional Health Service (RHS). Sasailalim naman umano sa “medical examination” bago sumailalim sa ehersisyo ang mga pulis at tamang “dietary program”. Kung mabibigo na makapasa sa naturang programa, mananatili pa rin umano dito ang isang pulis hanggang sa tuluyang gumanda na ang kalusugan nito at makapasa na rin sa GPFT.