Mukha ng kelot, wakwak sa adik
MANILA, Philippines - Wakwak ang mukha ng isang 50-anyos na pedicab driver nang sunud-sunod na halihawin ng patalim ng isang hindi nakilalang ‘adik’ na tripper, habang namamasada kahapon ng madaling-araw, sa Tondo, Maynila.
Ginagamot sa Justice J. Abad Santos Mother and Child Hospital ang biktimang si Crispolo Millares ng Gate 16 Parola, Tondo, Maynila sanhi ng tinamong mga sugat sa mukha at braso.
Hindi naman nakilala ang suspect na tumakas matapos ang pananaksak.
Sa pahayag ni City Security Force (CSF) Alexis Aragon, dakong alas-12:45 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Sto. Cristo St., Tondo.
Namamasada ang biktima sa nasabing lugar nang biglang sumulpot sa kanyang daraanan ang suspect na walang sabi-sabing sinaksak ng paulit-ulit ang mukha niya. Pinilit na salagin ng biktima ang mga saksak kung kaya nasugatan din ang kanyang mga braso.
Nang magsidatingan ang mga tao upang sumaklolo, nagtatakbo na umano ang suspect habang dinala naman ang biktima sa nasabing pagamutan.
- Latest
- Trending



















