Bicutan jail ng BI maluwag na
MANILA, Philippines - Umaabot na sa 36 na mga dayuhan ang naipatapon palabas ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) sa loob ng unang limang buwan ng taong kasalukuyan bilang hakbang upang mapaluwag ang kanilang detention center sa Bicutan, Taguig.
Sa ulat ni BI deportation unit head Antonio Rivera, sinabi nito na simula noong May 27 ay mayroon na lamang 60 dayuhan ang nakapiit sa Bicutan jail.
Ayon naman kay BI Commissioner Marcelino Libanan, sapat lamang ang 60 inmates sa kondisyon ng bilangguan at kanilang pasilidad dahil kaya lamang nitong i-accomodate ang may 80 bilanggo.
Idinagdag pa ni Libanan na sa sandaling walang legal na balakid upang mapa deport ang mga detainee ay kaagad nilang ikinukuha ang mga ito ng clearance pabalik sa kani-kanilang mga bansa.
Ang BI na rin umano ang siyang sumasagot sa plane ticket ng mga detainee sa sandaling mapatunayan na walang kakayahan ang mga ito na bumili ng ticket
Base sa datus ng BI, simula Enero hanggang Mayo ay mayroong 13 Georgians, apat na Koreans, tatlong Germans, dalawang Americans, dalawang Japanese, dalawang Syrians at dalawang Turks ang naipa-deport.
Kabilang din ang Briton, Ghanaian, Nepalese, New Zealander, Norwegian, Palestinian, Sri Lankan at Saudi National.
- Latest
- Trending