MANILA, Philippines - Nangako ang bagong talagang hepe ng Manila Police District–Station 3 na wawalisin nila ang kahabaan ng C. M. Recto at ilang lugar sa Sta. Cruz, Maynila na tambayan ng mga lalaking ‘call boy at babaeng ‘pokpok’, na nag-aalok ng panandaliang aliw.
Ayon kay Supt. James Afalia, na bukod sa pamamayagpag ng mga nasabing ‘pick-up’ o sex workers, sa ilang shopping malls, dumadagsa na naman ang mga ito sa kalye, na sinasabing pinababayaan lamang ng mga kakutsabang pulis at ilang opisyal ng lungsod.
Kinilala ang mga naarestong sina Jay Esguerra, 23, ng no.643 Trinidad St., Sta. Cruz, Maynila; Analiza Embarga, 34, ng no. 640 Trinidad St., Sta. Cruz, Maynila at Jennifer Concepcion, 26, ng no. 942 Rizal Avenue, Sta. Cruz, Maynila, na naobserbahang nag-aalok ng aliw sa mga dumaraan.
Kasunod ito ng pagkakadakip ng mga tauhan ni Afalia sa dalawang babae at isang lalaki na diumano’y sex workers, habang naghihintay ng customer sa Rizal Ave. at Doroteo Jose st., dakong 10:15 ng gabi nitong Sabado. Kasong paglabag sa City Ordinance 4638 (Vagrancy) ang iniharap sa tatlo.