Paggiba sa mga bgy. hall walang halong pulitika - building official
MANILA, Philippines - Tiniyak ng City Engineering Office ng Manila City hall na walang halong pulitika ang kanilang ginagawang paggiba sa mga barangay hall sa Maynila dahil layon lamang nila na linisin at ayusin ang daloy ng trapiko sa Maynila.
Ang paniniyak ay ginawa ni Engr. Melvin Balagot, City Building official sa kabi-kabilang mga akusasyon kung saan sinasabing ginigiba ang mga barangay hall kung saan ang chairman ay taga suporta ni dating Environment Secretary Lito Atienza.
Ayon kay Balagot, tambak na ang reklamo na kanilang natatanggap hinggil sa pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lungsod kung kayat dapat lamang nila itong aksiyunan.
Aniya, nakakadagdag pa sa pagsisikip ng daloy ng trapiko ay ang mga kalsadang ginagawa bilang paghahanda naman sa posibleng pagbaha sa panahon ng tag-ulan.
Dahil dito, pinayuhan ni Balagot ang mga nang-iintriga sa administrasyon nila Manila Mayor Alfredo Lim at Vice Mayor Isko Moreno na tigilan na ang kanilang ginagawa at sa halip ay makipagtulungan na lamang sa mga proyekto ng city government upang mas mapadali ang pagbibigay ng serbisyo sa mga Manilenyo.
- Latest
- Trending