Bagets na lider ng notoryus gang, timbog
MANILA, Philippines - Arestado ang isang bagets na sinasabing lider ng notoryus gang na sangkot umano sa iba’t ibang krimen sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni SPO4 Raffy Melencio, officer-in-charge ng Anti-Crime Unit ng Manila Police District-Station 1, ang suspek na nadakip ay itinago sa pangalang “Akiro” 16 anyos, out-of-school youth.
Si Akiro ay inaresto matapos ang inihaing reklamo ng isang 14-anyos na itinago sa pangalang “Myra”, residente ng Tondo, Maynila na umano’y hinoldap ng una.
Bukod dito, positibo ding kinilala ang suspek ng isa pang biktimang si Lovely Mallari, 18, estudyante, na siya ring humoldap sa kaniya noong Mayo 17, 2010. Sinabi ng biktima na ang suspek ang namumuno umano sa grupo nitong pawang mga menor-de-edad din at bago umano siya iwan ay pinaghihipuan pa siya nito.
Sa beripikasyon ng MPD-Station 1, natukoy din ang suspek na responsable sa pamamaril sa isang Denmark Battung, 18, ng #5 Camia st. Tondo, Maynila noong Mayo 17, 2010 na kasalukuyang nakaratay pa sa Ospital ng Maynila.
Pinaghananap pa ang mga kasamahan ng suspek.
- Latest
- Trending