NCRPO rescue team handa na sa La Niña
MANILA, Philippines - Nakahanda na ngayon ang rescue team ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa posibleng pagbabaha sa Metro Manila na kahalintulad ng naganap sa kasagsagan ng bagyong Ondoy lalo ngayong nalalapit na ang panahon ng tag-ulan.
Sinabi ni NCRPO chief, Director Roberto Rosales na magsasagawa sila ng “operational testing” ng kanilang 11 kahoy na bangka, isang life boat na maaaring maglulan ng 25 katao at anim na rubber boats.
Ang naturang mga aktibidad ay bilang paghahanda lalo na ang inihayag kamakailan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng pagtama uli ng kahalintulad ng pagbabaha na idinulot ng magkasunod na bagyong Ondoy at Pepeng noong nakaraang taon na resulta pa rin ng lumalalang problema sa “Global Warming”.
Bukod sa mga bangka, nakahanda na rin ang mga life vests, floatation devices, at thermal blankets sa pitong “search and rescue teams” ng NCRPO. May nakakabit din na “global positioning system” (GPS) ang kanilang mga bangka para sa “navigation”, Closed Circuit Television (CCTV) camera para mai-rekord ang mga kaganapan, trunked radio system para sa komunikasyon at flood lamps para makapag-operate kahit sa gabi.
May 109 tauhan ng NCRPO ang sumailalim sa “Basic Rescue Operations Tranining” tulad ng emergency medical, rope training, water safety, boat handling at field training exercises.
- Latest
- Trending