MANILA, Philippines - Tila hudyat na huling hirit na sa pagkanta ng isang probinsyano matapos na tarakan ng mga saksak sa dibdib ng isang lalaki na umano’y nairita sa ingay ng una sa pagkanta sa videoke sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Michael Camota, 22, construction worker, tubong-Negros Occidental at naninirahan sa Batangas City.
Natukoy naman ang salarin sa alyas na “Kano” na ngayon ay target na ng pagtugis ng Quezon City Police.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa isang videoke sari-sari store sa may Calachuchi St., Purok 5, Gravel Pit, Payatas A sa lungsod ganap na alas-10 ng gabi.
Sinasabing galing ng Batangas ang biktima at dumayo lamang sa nasabing lugar para dalawin ang kanyang girlfriend na si Vivencia Andronino na nakilala niya sa pamamagitan ng text sa cellphone.
Dahil sa cellphone text messages lang nag-uusap at nagpaplano nang magpakasal, nagpasya ang dalawa na magpunta sa nasabing tindahan para magsaya kasama ang isang Jun Ray Matarong.
Upang maipakita ng biktima ang pagmamahal sa kanyang syota, masayang kinantahan niya ito sa videoke.
Ngunit, ayon kay Andronino, nasa kainitan sila ng pagsasaya ng boyfriend nang mula sa likod nito ay sumulpot ang suspect at biglang inundayan nito ng saksak sa katawan ang biktima at pagkatapos ay tumakas.
Sa kabila ng natamong sugat ay nagawa pang makatakbo papalabas ng videoke bar ng biktima, ngunit dahil sa matinding tama ay bumuwal din ito sa kalsada at nalagutan ng hininga. Suspetsa ng girlfriend, posibleng may nakaaway sa probinsya ang biktima, dahil bago ang krimen ay may nakapagsabi umano sa kanya na may nakaaway si Camota sa lugar nito kung kaya lumuwas ng Maynila.
Subalit ayon sa pulisya, ang suspect ay nainis sa malakas na pagkanta sa videoke ng biktima kung kaya ito sinaksak.
Gayunman, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.