Away sa metro ng tubig, mister inutas
MANILA, Philippines - Karumal-dumal ang naging kamatayan ng isang mister matapos na pagsasaksakin ng kanyang kapitbahay na kanyang nakaaway sa nawawalang metro ng tubig sa Quezon City.
Dead-on-arrival sa Fairview General Hospital si Arturo Belgica, 58, may-asawa ng 48 Block 3, Empire Extension, Brgy. Payatas B, mata pos na magtamo ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang pinaghahanap naman ang suspect na si July Iglesia, ng Block 7, Phase 3, ng nabanggit ding lugar.
Ayon kay PO2 Roldan Dapat, ng Criminal Investigation and Detective Unit ng QCPD, naganap ang insidente dakong alas-4 ng hapon nang dumating ang suspect sa bahay ng biktima at nakipag-inuman.
Dala marahil ng kalasingan ay naungkat ng suspect ang umano’y pagkawala ng kanyang metro ng tubig kung saan ang biktima ang kanyang pinagbibintangan.
Dahil dito, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa, hanggang magpasyang umalis ang suspect na sinundan naman ng biktima upang bumili ng sigarilyo.
Ngunit lingid sa kaalaman ng biktima ay inaabangan na siya ng suspect dala ang isang patalim. Dito ay inundayan ng suspect ng saksak sa ibat ibang bahagi ng katawan ang biktima.
Bagamat pinipilit pa ng biktima na makatakbo, hindi naman ito nakatakas sa patalim ng suspect. Tinangka pa ng live in partner ng biktima na si Gloria Serafica na maisalba ang biktima subalit huli na ang lahat.
- Latest
- Trending