Bus marshals ipakakalat din ng NCRPO
MANILA, Philippines - Magpapakalat rin ng mga operatiba o mga marshals sa mga bus ang National Capital Region Police Office (NCRPO) kaugnay ng napipintong pagbubukas ng klase sa Metro Manila sa darating na Hunyo.
Ito ang inihayag ni NCRPO Spokesman Supt. Rommel Miranda sa panayam ng PNP Press Corps sa pagbisita nito sa Camp Crame kaugnay ng “Oplan Balik Eskwela 2010”.
Ayon kay Miranda, alinsunod sa direktiba ni NCRPO director Roberto Rosales ay palalakasin nila ang police visibility sa buong Metro Manila upang bigyang proteksiyon ang mga commuters partikular na ang mga estudyante mula sa pagbiyahe ng mga ito patungo sa kanilang mga eskuwelahan.
Sa kabuuan ay aabot sa mahigit 8,000 pulis ang ipakakalat ng NCRPO sa pagbabalik eskwela ng mga estudyante na magsisilbi sa mga itatayong Police Assistance Desk sa university belt, mobile at foot patrol kaugnay ng bigay-todong police visibility.
Kabilang rin sa mahigpit na babantayan ay ang MRT at LRT stations kung saan ay pinag-iingat naman ang mga estudyante sa mga mandurukot.
Pinapayuhan rin ang mga estudyante na maging alerto sa lahat ng oras at ireport kaagad ang kilos ng mga kahina-hinalang personalidad.
- Latest
- Trending