Quezon City fire: 1 patay
MANILA, Philippines - Nasawi ang isang 47-anyos na lalaki nang tupukin ng apoy ang sarili nitong bahay sa Fairview, Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ng arson investigator ng Bureau of Fire Protection ang nasawi na si Jesus Tibay, ng Buick St., corner Consul, Brgy. West, Fairview, QC.
Ayon kay Senior Fire Officer 1 Jose Mauricio, radio operator ng BFP, naganap ang insidente dakong alas-12:15 ng madaling-araw kahapon sa bahay mismo ng biktima.
Umabot sa 4th alarm ang sunog at naapula lamang dakong ala-1:12 ng madaling-araw.
Aabot sa P 1.5 milyong halaga ng mga ari- arian ang naabo sa naturang sunog na tumagal nang halos 1 oras. Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa naturang insidente.
Samantala, naabo ang milyong halaga ng animal feeds na nakaimbak sa isang warehouse na nasunog sa Bacood, Sta. Mesa, Maynila, kahapon ng umaga.
Wala namang naitalang nasaktan o nadamay na iba pang establisimento at kabahayan sa 5 oras na pagkasunog ng Simon Enterprises na matatagpuan sa #3403 Lubiran st., Bacood, Sta. Mesa na pag-aari ng isang Simon Chua.
Nagsimula ang sunog dakong alas-6:28 at agad namang idineklarang kontrolado dakong alas-7:50 ng umaga. Umaabot sa mahigit P3-milyon umano ang halaga ng stocks na animal feeds ang nasunog habang ang iba pang kagamitan ay tinatayang nasa P500-libo.
- Latest
- Trending