Lolo nag-harakiri dahil sa sakit
MANILA, Philippines - Nakatarak pa sa katawan ng isang 79-anyos na lolo ang kutsilyo nang madatnan siya ng kanyang asawa na naliligo sa sariling dugo matapos na magpakamatay sa pamamagitan ng pagsaksak sa sarili bunga ng sakit na emphyzema na hindi na niya matiis, ayon sa Quezon City Police kahapon.
Nakilala ang nasawi na si Francisco Lagman, retired employee at naninirahan sa #73 J. Peres St., Brgy. Masagana, Project 4 sa lungsod.
Ayon kay PO3 Joselito Gagaza, may-hawak ng kaso, ang biktima ay natagpuan na lamang ng kanyang asawang si Carmelita habang duguang nakahandusay sa kanilang kama ganap na alas-2:45 ng hapon.
Bago ito, ang biktima ay na-confine ng 13 araw sa Philippine Heart Center dahil sa sakit nito sa baga at emphyzema.
Mayo 11, 2010 nang lumabas ng naturang ospital ang biktima, at sa mga araw na iyon, ayon sa kanyang asawa ay madalas na umano itong nagpapakita ng senyales na nais na nitong magpakamatay dahil sa nararanasang hapdi ng dinala niyang sakit.
Sinasabing dadalhan sana ni Aling Carmelita ng meryenda ang asawa nang matuklasan niya itong nakahandusay sa kama at may tarak ng saksak sa tiyan.
Agad na ipinagbigay-alam ni misis ang pangyayari sa barangay opisyal na nagparating naman ng impormasyon sa pulisya.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.
- Latest
- Trending