13 pulis ng anti-drugs unit ng Pasay, sinibak
MANILA, Philippines - Sinibak sa puwesto ang 13 pulis kabilang ang hepe ng Station Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (SAID-SOTG) ng Pasay City police makaraan ang sunud-sunod na operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kanilang balwarte na nagresulta sa pagkakadakip ng mga hinihinalang drug pushers.
Nakilala ang naturang opisyal na si Chief Insp. Salvador Solana habang inilagay naman sa administrative department ang 12 nitong tauhan.
Pansamantala namang itinalaga ni Pasay police chief, Sr. Supt. Raul Petrasanta si Chief Insp Mario Cortez, bilang officer-in-charge ng SAID-SOTF habang kukuha naman ng 11 pulis buhat sa mga Police Community Precincts para bumuo sa bagong mga tauhan ng naturang opisina.
Matatandaan na unang sinalakay ng mga tauhan ng PDEA noong Abril 27 ang bahay ng pamilya Punzalan sa Apelo Cruz Compound, Pasay City na naging dahilan ng pagkakalansag sa Punzalan drug syndicate matapos madakip ang siyam na mga suspek.
Sinundan ito ng pagkakadakip sa bagitong pulis na si PO1 Rodelio Rana ng PCP-6 ng Pasay police at isa pang kasama sa isinagawang buy-bust operation sa parking lot ng isang mall kung saan nakumpiska sa kanya ang isa at kalahating kilo ng cocaine noong Mayo 17.
Kamakalawa ng hapon ay nilusob naman ng PDEA ang bahay ng pamilya ng isang barangay chairman sa Muñoz St., Tramo at nadakip ang may 15-katao na pawang sangkot sa pagbebenta ng shabu.
Ikinatuwiran naman ng SAID-SOTG na kulang sila sa pondo kaya’t hindi makapagsagawa ng buy-bust sa malalaking sindikato, bukod sa pinoprotektahan umano ng ilang mga tiwaling barangay officials ang mga drug pushers sa lungsod.
- Latest
- Trending