2 ginang biktima ng fixers sa LTFRB
MANILA, Philippines - Sa kabila ng ginawang pagbuwag ng pamunuan ng Land Transportation and Regulatory Board (LTFRB) sa mga nagkalat na fixers dito, patuloy pa ring gu magalaw ang nasabing sindikato sa nasabing kagawaran.
Ito ang nabatid makaraang dalawang ginang na kumukuha ng prankisa ng kanilang mga sasakyan ay humingi ng tulong sa Police Station 10 ng Quezon City Police para ipaaresto ang fixers na nanloko sa kanila ng malaking halaga.
Ang mga biktima ay kinilalang si Ma. Teresita Agrian, 40, ng Villa Pontin, Maybunga, Pasig City; at Ma. Elena Stanley, 44, ng Batasan Hills sa lungsod.
Ayon sa mga biktima, kilalang-kilala nila ang mukha ng suspect dahil ayon sa kanilang impormasyon ay patuloy itong umiistambay sa harap ng LTFRB.
Sa imbestigasyon, ang dalawa ay nabiktima sa magkakahiwalay na pagkakataon sa may LTFRB office, Magalang St., Brgy. Pinyahan sa lungsod.
Lumilitaw na Marso 17, 2009 nang mabiktima si Agrian ng isang lalake na nagpakilalang empleyado ng LTFRB habang nag-aayos ito ng kanyang prangkisa para sa pamasadang taxi.
Dito ay inalok umano si Agrian na siyang mag-aayos ng mga dokumento kung saan nakapagbigay ito ng kabuuang halagang P70,000.
Oktubre 2009 naman nang mabiktima naman si Stanley ng nasabing fixers kung saan nagbigay naman ito ng halagang P14,000.
Subalit, matapos na matanggap umano ng suspect ang kabayaran ay hindi na nila ito nakita pa hanggang sa dumating ang taong kasalukuyan kung kaya nagpasya na silang dumulog sa himpilan ng pulisya.
- Latest
- Trending