Shootout: 2 holdaper todas

MANILA, Philippines - Dalawang umano’y notoryus na holdaper na miyembro ng Sputnik Gang ang kapwa nasawi makaraang makipagpalitan ng putok sa mga tauhan ng Manila Police District-Station 3 habang papatakas bitbit ang sako na naglalaman ng kanilang naku­limbat sa mga pasahero ng jeep, kahapon ng madaling-araw  sa Sta. Cruz, Maynila.

Dead-on-the-spot ang suspek na si Marvin Calayaban, alyas “Biboy”, 20, binata, ng Lico St., Tondo, Maynila, habang dead-on-arrival naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRRMC) ang kasamahan nito na inila­rawan lamang sa edad na 20 hanggang 25, may taas na 5’5’’ hanggang 5’6’’ matapos maki­pagbarilan sa grupo ni P/Insp. Eduardo Morata, SPO1 Ferdi­nand Cayabyab, PO3 Conrado Juano, PO3 Jeffrey Dig at PO1 Romy Ocampo.

Arestado ang isa pa sa mga suspek na si Ronnie Rumbano, 26, binata, tricycle driver ng Brgy. Lang­kiwa, Biñan, Laguna habang inaalam pa ang pagkakakilanlan sa isa pa nilang kasama­han na nakatakas.

Ayon sa ulat, dakong alas-5:30 ng mada­ling-araw nang maganap ang insidente sa kanto ng Tomas Mapua at Laguna Sts., Sta. Cruz, Maynila.

Sa salaysay ni Jerry Abucayon, 28, janitor sa Mercury Drug Quiapo-branch, isa siya sa sam­pung pasahero ng jeep na may biyaheng Gasak-Recto papunta sa kanyang pinapa­sukan nang pagsapit sa nasabing lugar ay pumara  ang mga suspek subalit dalawa lamang sa kanila ang sumakay.

Hindi pa man umuupo ang dalawang sus­pek ay nagdeklara na ito ng holdap habang ang dalawa sa labas kabilang si Calabayan ay tinutukan at nililimas naman ang mga kagami­tan ng mga pasahero.

Tinangay ng mga suspek ang pera at ka­gamitan ng mga pasahero.Tiyempo namang nag­pa­patrulya ang mga tauhan ni Morata sa nasabing lugar na napuna ang komosyon at napansin ito ng mga papatakas na sus­pek ay pina­putukan nila ang mga paparating na mga pulis na naging dahilan ng habulan at palitan ng putok.

Sinasabing papasakay naman si Rumbano sa kanyang get-away na pulang Kawasaki motor­cycle (TN 9289) na nagresulta sa kan­yang pagka­ka­aresto habang ang isa pang suspek ay naka­takas.

Narekober sa dalawang nasawing suspek ang isang kalibre .38 na baril at cellphone ni Abucayon.

Positibong itinuro ni Abucayon ang mga sus­pek na responsable sa holdapan.

Show comments