Shootout: 2 holdaper todas
MANILA, Philippines - Dalawang umano’y notoryus na holdaper na miyembro ng Sputnik Gang ang kapwa nasawi makaraang makipagpalitan ng putok sa mga tauhan ng Manila Police District-Station 3 habang papatakas bitbit ang sako na naglalaman ng kanilang nakulimbat sa mga pasahero ng jeep, kahapon ng madaling-araw sa Sta. Cruz, Maynila.
Dead-on-the-spot ang suspek na si Marvin Calayaban, alyas “Biboy”, 20, binata, ng Lico St., Tondo, Maynila, habang dead-on-arrival naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRRMC) ang kasamahan nito na inilarawan lamang sa edad na 20 hanggang 25, may taas na 5’5’’ hanggang 5’6’’ matapos makipagbarilan sa grupo ni P/Insp. Eduardo Morata, SPO1 Ferdinand Cayabyab, PO3 Conrado Juano, PO3 Jeffrey Dig at PO1 Romy Ocampo.
Arestado ang isa pa sa mga suspek na si Ronnie Rumbano, 26, binata, tricycle driver ng Brgy. Langkiwa, Biñan, Laguna habang inaalam pa ang pagkakakilanlan sa isa pa nilang kasamahan na nakatakas.
Ayon sa ulat, dakong alas-5:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kanto ng Tomas Mapua at Laguna Sts., Sta. Cruz, Maynila.
Sa salaysay ni Jerry Abucayon, 28, janitor sa Mercury Drug Quiapo-branch, isa siya sa sampung pasahero ng jeep na may biyaheng Gasak-Recto papunta sa kanyang pinapasukan nang pagsapit sa nasabing lugar ay pumara ang mga suspek subalit dalawa lamang sa kanila ang sumakay.
Hindi pa man umuupo ang dalawang suspek ay nagdeklara na ito ng holdap habang ang dalawa sa labas kabilang si Calabayan ay tinutukan at nililimas naman ang mga kagamitan ng mga pasahero.
Tinangay ng mga suspek ang pera at kagamitan ng mga pasahero.Tiyempo namang nagpapatrulya ang mga tauhan ni Morata sa nasabing lugar na napuna ang komosyon at napansin ito ng mga papatakas na suspek ay pinaputukan nila ang mga paparating na mga pulis na naging dahilan ng habulan at palitan ng putok.
Sinasabing papasakay naman si Rumbano sa kanyang get-away na pulang Kawasaki motorcycle (TN 9289) na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto habang ang isa pang suspek ay nakatakas.
Narekober sa dalawang nasawing suspek ang isang kalibre .38 na baril at cellphone ni Abucayon.
Positibong itinuro ni Abucayon ang mga suspek na responsable sa holdapan.
- Latest
- Trending