Putol na braso natagpuan
MANILA, Philippines - Nakikipag-ugnayan ang Manila Police District (MPD) sa Quezon City Police District matapos matagpuan ang isang putol na kaliwang braso ng tao na nakabalot sa isang plastic bag sa harapan ng isang unibersidad sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng umaga.
Nabatid sa ulat na dakong alas-7:20 ng umaga nang madiskubre ang putol na braso sa harapan ng Polythecnic University of the Philippines (PUP), Rizal campus sa kanto ng Loyola at Dela Rosa Sts., Sampaloc, Maynila.
Nagsisimula pa lamang umanong magtrabaho ang mga construction worker sa renovation ng isang gusali ng PUP nang mapuna ng isang Danilo Alvarado, 42, isang electrician ng Tactical Commercial Agency, ang itim na plastic garbage bag na natuklasang naglalaman ng putol na braso ng tao.
Agad ipinaalam ito ni Alvarado kay Wermer Espinas, security guard ng PUP, na siyang nagreport sa pulisya.
Nahihirapang matukoy kung braso ng lalaki o babae ang natagpuan dahil bukod sa naaagnas na ay pinutol din ang dulo ng mga daliri nito upang tuluyang hindi makuha ang fingerprints na maaring pagbasehan ng identification nito.
Inilagak na sa Saint Harold Funeral Homes ang nasabing kaliwang braso.
Aalamin ng MPD kung sa iisang tao ang nagmamay-ari ng kaliwang braso sa brasong natagpuan naman sa bahagi ng Quezon City. - Ludy Bermudo at Ricky Tulipat
- Latest
- Trending