Zero crime target ng NCRPO sa pasukan
MANILA, Philippines - Target ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na makapagtala ng “zero crime incident” sa lahat ng paaralan at unibersidad ngayong darating na pasukan sa Hunyo.
Ito ang ibinilin ni NCRPO chief, Director Roberto Rosales sa kayang mga district director at hepe ng pulisya sa pagpapalabas ng direktiba upang magpatupad ng pinaka mahigpit na seguridad ngayong pasukan.
Pinaalalahanan ni Rosales ang mga ito na agad na makipagkoordinasyon sa mga opisyales ng mga paaralan at mga barangay upang maagang makapagplano ng seguridad para mapaliit kung hindi man tuluyang matanggal ang mga krimen na nagaganap tuwing pasukan.
Kabilang sa plano ang pagtatatag ng “Police Assistance Desks (PAD)” sa elementarya at high schools, pagtatalaga ng mga “beat at mobile patrol officers”, pagtulong ng “Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs) at “Motorized Anti-Street Crime Operatives (MASCO).”
Pinagsabihan ni Rosales ang mga pulis na matatalaga sa PADs na maging malinis at kumpleto sa uniporme, maging mabait sa pakikitungo sa mga humihingi ng tulong at mabilis sa pagresponde. Sinabi nito na bibisitahin niya ang mga PADs upang matiyak na tumutupad ang mga pulis sa kanyang tagubilin.
Ililipat naman ng NCRPO ang kanlang patrol vehicles na may “global positioning system (GPS)” at mga “closed circuit television (CCTV) system” sa mga bisinidad ng paaralan at unibersidad.
- Latest
- Trending