MANILA, Philippines - Pumanaw na ang babaeng driver ng Toyota Fortuner na bumaligtad sa Skyway na unang ikinasawi ng tatlong paslit na pasahero nito kamakalawa ng hapon.
Hindi na kinaya ng 35-anyos na si Sehawi (unang naiulat na Marilyn) Rakiin, ng Mola St., Brgy. La Paz, Makati City, ang natamong mga pinsala sa buong katawan nang bawian ng buhay habang ginagamot sa loob ng Parañaque Doctors Hospital.
Nasawi rin sa naturang aksidente ang mga paslit na sina Shelimar Rakiin, 6-anyos, anak ni Sehawi; Cheryl Joy Rondon, 10; at pinsan na si Daryl Lopez, 10-anyos.
Malubha naman sa loob ng nabanggit na pagamutan ang iba pang sakay ng Fortuner na sina Mylene Himuya, 17, kasambahay; Kim Daryl Lopez, 12; Mark Loren Lopez, 15; at Charlene Rakiin, 2-anyos, na nakaratay sa “intensive care unit”. Unang naiulat na apat lamang ang sakay ng behikulong naaksidente ngunit lumalabas sa dagdag na imbestigasyon na walo ang sakay nito.
Nadiskubre ng mga imbestigador na sumabog ang mga gulong ng itim na Fortuner (ZMU-898) na sinasakyan ng mga biktima. Hindi naman makumpirma ni Eduardo Nepomuceno, ng Skyway O&M Corporation (SOMCO) kung ang pagsabog ng gulong ang dahilan ng aksidente o sumabog lamang ito makaraang bumangga sa concrete railings ng Skyway.
Nabatid na unang sumalpok ang sasakyan sa barrier bago ito nagpa-ikut-ikot hanggang sa tumaob may 100 metro ang layo sa orihinal na “impact site”.
Sa inisyal na imbestigasyon, patungo sana ang mga biktima sa Enchanted Kingdom nang maganap ang trahedya.