MANILA, Philippines - Tiniyak ni Manila Mayor Alfredo Lim na bibigyan niya ng suporta ang lahat ng mga konsehal, kapartido man o hindi upang mas maging epektibo at mabilis ang pagbibigay ng serbisyo sa mga Manilenyo.
Ang paniniyak ay ginawa ni Lim kasabay ng pagbisita ni Councilor elect Robert Ortega ng 5th district kay Lim noong Biyernes kung saan binati nito (Ortega) si Lim sa muling pagkapanalo at pinangakuang makikipagtulungan.
Si Ortega ay nasa partido ni dating Environment Secretary Lito Atienza na hindi pa nagko-concede at may plano pang magprotesta.
Nabatid na ilang report ang kumakalat na pinapipirma ang mga mga barangay captain at mga residente sa Maynila upang gawin umanong basehan ng protesta ni Atienza.
Samantala, sinabi ni Lim na nakatakda siyang makipagkita sa lahat ng mga nanalong konsehal sa Maynila, kahit pa katiket ni Atienza.
Iginiit pa nito , dapat nang kalimutan kung anumang mga gulo at away ang nangyari dahil mas kailangan na maibigay ang pangangailangan ng taga Maynila.