MANILA, Philippines - Dalawa katao ang nasawi habang isa pa ang malubhang nasugatan nang ratratin ang mga ito ng dalawang armadong kalalakihan habang ang mga biktima ay nag-iinuman sa Quezon City kamakalawa.
Kinilala ang mga nasawi na sina Lee Marvin Medina, 27, may-asawa, construction worker; at Ralph Mediana, 21, binata; pawang mga residente sa Veterans Village, Brgy. Pasong Tamo sa lungsod.
Patuloy namang ginagamot sa East Avenue Medical Center ang sugatang si Mark Lloyd Mediana, 18, binata, ng nasabi ring barangay matapos na magtamo ng tama ng bala sa kaliwang hita.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang salarin na pawang mga nakasuot ng bull cap na mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Sa ulat ni PO3 Joselito Gagaza, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Major Marcos St., corner 5th St., Veterans Village ganap na alas-10 ng gabi.
Kasalukuyang nag-iinuman ang tatlong biktima kasama ang apat pang kaibigan sa nasabing lugar nang biglang dumating ang mga suspect at pinaulunan ang mga ito ng bala.
Sa pagratrat ng mga suspect tinamaan ng bala sa leeg at baba si Lee Marvin, habang si Ralph naman ay nagtamo ng bala sa ulo, tiyan at kaliwang tuhod, samantalang si Mark Lloyd ay sa kaliwang hita.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang limang basyo ng cal. .45 pistol na ginamit ng mga suspect sa pamamaril sa mga biktima. Isinasailalim pa sa imbestigasyon ang kasong ito.