Utak sa pekeng US visa, dakma ng NBI

MANILA, Philippines - Nabuwag ang isang grupo ng sindikato na nagpapang­gap na lehitimong nagpo-pro­seso ng US visa, nang salaka­yin ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanilang tanggapan sa Baliuag, Bulacan ang master­mind, iniulat kahapon.

Kasabay nito, nanawagan na rin sa publiko si NBI Di­rector Nestor Mantaring na iwasan ang paghingi ng tulong sa mga ‘fixer’  na ka­ dalasang miyembro ng mga sindikato.

Kinilala ang nadakip na si Jose Edward D.V. Magbitang, ng Block 1, Lot 43/44 Millora Villas Primavera Homes, Ba­liuag, Bulacan. Nakuha sa kanyang pag-iingat ang dose­nang tampered US passports at visas. Nasamsam din dito ang baril at mga bala.

Bigo naman ang NBI na madakip ang iba pang miyem­bro ng sindikato na sina Ber­nardo Ventura, at Florentino Manaysay, alyas “Ato,” “Tino,” ng Bulacan, gayunman inire­komenda na ring isama sila sa pagsasampa ng kaso.

Nag-ugat ang operasyon ng NBI nang dumulog si Nelson F. Tigas, ng Angat, Bu­lacan at isang Eliza I. Barcera, ng San Jose del Monte, Bulacan sa Anti-Fraud and Action Division (AFAD) ang aktibidades ng sindikato.

Nabatid na ang nakalalaya pang suspek na si Ventura umano ay dating empleyado ng Del. Bros.-courier agency na nagseserbisyo sa US Embassy sa pagdeliber ng travel documents at nagpa­kilala sa mga biktima kay Mag­bitang.

Upang makapa­ngumbinse sa mga biktima, nagpakilala umano si Mag­bitang  na US citizen at konek­tado sa US Department of Justice (DoJ) kaya’t kaya niyang lakarin ang pag-apruba sa mga aplikas­yon sa US visas.

Nagbigay umano si Bar­cena kay Magbitang ng US$10,000 (P440,000), ha­bang si Tigas ay US$6,000 (P220,000).

Iginiit ng mga biktima na sa tuwing magbibigay sila ng pera kay Magbitang ay ka­sama nito si Ventura.

Sa beripikasyon, si Mag­bitang ay hindi empleyado o konektado sa US Embassy, hindi isang US citizen at peke ang ginagamit nitong US passport.

Natukoy din na maraming kasong kinakaharap sa Ame­rika si Magbitang.

Show comments