Utak sa pekeng US visa, dakma ng NBI
MANILA, Philippines - Nabuwag ang isang grupo ng sindikato na nagpapanggap na lehitimong nagpo-proseso ng US visa, nang salakayin ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanilang tanggapan sa Baliuag, Bulacan ang mastermind, iniulat kahapon.
Kasabay nito, nanawagan na rin sa publiko si NBI Director Nestor Mantaring na iwasan ang paghingi ng tulong sa mga ‘fixer’ na ka dalasang miyembro ng mga sindikato.
Kinilala ang nadakip na si Jose Edward D.V. Magbitang, ng Block 1, Lot 43/44 Millora Villas Primavera Homes, Baliuag, Bulacan. Nakuha sa kanyang pag-iingat ang dosenang tampered US passports at visas. Nasamsam din dito ang baril at mga bala.
Bigo naman ang NBI na madakip ang iba pang miyembro ng sindikato na sina Bernardo Ventura, at Florentino Manaysay, alyas “Ato,” “Tino,” ng Bulacan, gayunman inirekomenda na ring isama sila sa pagsasampa ng kaso.
Nag-ugat ang operasyon ng NBI nang dumulog si Nelson F. Tigas, ng Angat, Bulacan at isang Eliza I. Barcera, ng San Jose del Monte, Bulacan sa Anti-Fraud and Action Division (AFAD) ang aktibidades ng sindikato.
Nabatid na ang nakalalaya pang suspek na si Ventura umano ay dating empleyado ng Del. Bros.-courier agency na nagseserbisyo sa US Embassy sa pagdeliber ng travel documents at nagpakilala sa mga biktima kay Magbitang.
Upang makapangumbinse sa mga biktima, nagpakilala umano si Magbitang na US citizen at konektado sa US Department of Justice (DoJ) kaya’t kaya niyang lakarin ang pag-apruba sa mga aplikasyon sa US visas.
Nagbigay umano si Barcena kay Magbitang ng US$10,000 (P440,000), habang si Tigas ay US$6,000 (P220,000).
Iginiit ng mga biktima na sa tuwing magbibigay sila ng pera kay Magbitang ay kasama nito si Ventura.
Sa beripikasyon, si Magbitang ay hindi empleyado o konektado sa US Embassy, hindi isang US citizen at peke ang ginagamit nitong US passport.
Natukoy din na maraming kasong kinakaharap sa Amerika si Magbitang.
- Latest
- Trending