Paglilinis sa Metro Manila, tatagal ng 1 buwan
MANILA, Philippines - Tinatayang isang buwan ang itatagal ng paglilinis ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa buong Metro Manila sa lahat ng kalat na dulot ng nakaraang halalan.
Ngunit sinabi ni MMDA General Manager Robert Nacianceno na maaari namang matapyasan ang araw kung makikipagtulungan ang mga kandidato, nanalo man o natalo, sa kampanya naman sa paglilinis.
Nagpakalat na ng may 3,500 tauhan ang MMDA upang maglinis ng mga pangunahing kalsada habang inaasahan naman nito ang paglilinis sa mga sekundaryang kalsada sa mga lokal na opisyal at mga opisyales ng barangay.
Nagkusa na rin sa paglilinis ang grupong Ecowaste Coalition na inumpisahan nila sa Flora Ilagan High School sa V. Luna Avenue sa Quezon City.
Kapwa panawagan naman ng MMDA at ng EcoWaste Coalition ang pag-recycle sa mga kalat na campaign materials lalo na sa mga tarpaulins na hindi nabubulok. Nanawagan si Nacianceno sa mga grupo na nagre-recycle ng mga tarpaulin na kunin ang mga makukuha nilang mga kalat upang kanilang magamit. Hindi umano nila pababayaran ang mga ito kung titiyakin sa kanila na gagamitin, ire-recycle at hindi itatapon ang mga tarpaulins.
Partikular namang nanawagan ang Ecowaste Coalition kina Senador Noynoy Aquino, Joseph Estrada, Senador Dick Gordon, Jamby Madrigal at Manny Villar na pangunahan nila ang paglilinis ng sarili nilang mga kalat upang ipakita sa sambayanan ang pagiging tunay nilang “statesman”.
- Latest
- Trending