Opisyal ng Bureau of Fire, kinatay ng bayaw
MANILA, Philippines - Isang miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang natagpuang patay at tadtad ng saksak sa katawan sa loob ng kanyang bahay sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Kinilala ni Chief Supt. Benjardi Mantele, QCPD director ang biktima na si SFO1 Gabriel Jose, 53, nakatalaga sa San Lazaro Fire Station sa Maynila at residente sa Molave II, Damong Maliit St. sa Quezon City.
Ayon kay Mantele, ang biktima ay nagtamo ng mga saksak sa dibdib, leeg at may mga galos din ito sa kanyang mga braso na palatandaang nanlaban ito sa suspect.
Sa pagsisiyasat, lumilitaw na natagpuan ang bangkay ng biktima ng kayang caretaker na si Narciso Bustamante sa loob mismo ng kanilang bahay pasado alas- 12:30 ng tanghali.
Sa ulat ni PO2 Jose Roland Belgica Jr., ng Criminal Investigation and Detective unit ng Quezon City Police, bago ang insidente, alas- 3 ng hapon ng Lunes ay nagpunta si Bustamante sa biktima para ayusin ang doorknob ng pintuan ng kanyang banyo at nang matapos ay saka siya pinabalik ng huli kinabukasan para pakainin naman ang alaga niyang aso.
Kaya pagbalik ni Bustamante ng nasabing oras, ay napuna niyang bukas ang gate ng bahay ng amo sanhi upang mabilis siyang pumasok at pinakain ang alagang aso nito.
Habang nagpapakain ng aso, napuna ni Bustamante na bukas ang ilaw sa sala gayundin ang telebisyon, dahilan upang silipin niya ito sa bintana kung saan nakita niya ang amo na nakahandusay sa sahig at duguan.
Sa panayam ni Belgica kay Bustamante, Mayo 2 ay sinabihan umano siya ng biktima na nakaalitan niya ang bayaw na si Francisco Pascual.
Samantala, napag-alaman ng awtoridad na si Pascual ay nakaalis na ng bansa kamakalawa ganap na alas-12:30 ng umaga.
- Latest
- Trending