MANILA, Philippines - Itinuring ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na tagumpay ang naging pagboto ng mahigit sa 20 libong bilanggo sa buong rehiyon at National Capital Region (NCR) kahapon.
Ayon kay Senior Insp. Roberto Gotico, public information officer ng BJMP, walang naging problema sa mga presong nabigyan ng clearances para makaboto at lahat ay nakaboto na maliban sa Region 2.
Wala rin anyang naging problema ang pamunuan sa mga presong ineskortan, para makaboto sa mga itinalagang polling precinct, maliban sa Gapan district jail na hindi tinanggap ng mismong precinct ang isang grupo ng mga inmates dahil wala umanong voters identification card (IDs).
Sinabi ni Gotico, ang naturang grupo ay nakalista naman sa mga listahan ng mga botanteng gawa mismo ng Comelec. Gayunman, tiniyak ni Gotico na naging maayos, mapayapa at matagumpay ang naging pagboto ng mga inmates kahapon sa kauna-unahan nilang pagsali sa election sa buong buhay ng kanilang pagkakapiit.