Mapayapang eleksyon sa Quezon City, inaasahan
MANILA, Philippines - Kampante si Quezon City Mayor Feliciano “SB” Belmonte Jr. na magiging tahimik at maayos ang eleksyon sa lungsod.
Upang masiguro ito, ipinag-utos ni Mayor Belmonte sa mga opisina at pinuno ng mga departamento sa city hall laluna sa City General Service Office (CGSO) na pinamumunuan na tumulong sa mga kawani ng Commission on Elections (COMELEC) at mga guro sa kanilang mga pangangailangan sa darating na halalan.
Inatasan niya ang CGSO na maging bukas 24-hours ngayong Linggo upang matugunan ang mga dapat iayos at itulong sa mga mangangasiwa ng eleksyon sa QC.
Kasabay din nito, pinabulaanan ni Belmonte ang unang napabalita na kabilang ang QC sa election hotspots sa bansa ngayong panahon ng halalan. Ito rin ang mariing sinabi ng kauupo pa lamang na director ng Quezon City Police District (QCPD) na si P/CSupt. Benjardi Mantele. Anya, walang election-related incident na naitala sa mga blotter book ng 12 presinto ng QCPD mula ng magsimula ang eleksyon upang masabing isa ito sa election hotspot ng bansa.
Samantala, higit na lumakas ang tsansang manalo ng mga kandidato ng Liberal Party (LP) sa pangunguna ni Mayor Belmonte na tumatakbo bilang Kongresista sa ika-4 na distrito ng lunsod, mayoral bet Herbert “Bistek” Bautista at running mate Joy Belmonte matapos masungkit nila ang indorso ng Iglesia ni Cristo (INC).
Ayon kay Secretary to the Mayor at Administrator of Quezon Memorial Circle (QMC) Tadeo Palma, halos lahat ng kandidato ng LP sa ilalim ng SB Team ay nasa listahan ng mga kandidatong susuportahan ng INC ngayong Mayo 10. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending