QCPD nagbabala vs 'Basag Salamin gang'
MANILA, Philippines - Nagbabala ang pamunuan ng Quezon City Police sa publiko na nagdadala ng kanilang mga sasakyan na mag-ingat laban sa sindikato ng “Basag Salamin gang” na gumagala ngayon sa mga paligid ng lungsod.
Aksyon ito ng pamunuan, matapos na magtala ng magkakasunod na pag-atake ang grupo sa may bahagi ng Scout Gandia sa Brgy. Laging Handa sa lungsod.
Ayon kay SPO3 Jorge Villanueva, ng QCPD Station 10, ang mga naturang insidente ay patunay lamang na aktibo na naman ang grupo na ang pangunahing puntirya ay mga parking area sa lungsod.
Base sa talaan ng pulisya, ang mga biktima ay kinilalang sina Erwin Lamprea, 38, engineer ng Brgy. Bungad, Project 7; Justine Kirly Reyes, 26, binata, negosyante, ng V. Guevarra St., San Juan, Metro Manila.
Sinasabing si Lamprea ay nakuhanan ng mamahaling digital camera (P20,000) at laptop (P150,000) matapos na basagin ang salamin ng kanyang Honda City (ZSH-656) habang nakaparada sa may Scout Gandia kamakailan.
Habang nakuhanan naman si Reyes ng tinatayang aabot sa P1.5 milyong halaga ng alahas at mga mamahaling kagamitan matapos na basagin din ang salamin ng kanyang Nissan Cepiro (XSH-529) habang nakaparada sa may Scout Tobias corner Scout Fernandez St., Brgy Laging Handa.
Ayon pa sa pulisya, ang nasabing grupo ay matagal nang problema hindi lamang sa lungsod kundi maging sa ibang lugar dahil umaatake ang mga ito ng palihim kung kaya hindi agad natitiyempuhan ng awtoridad maging ng mga nakatalagang guwardiya sa mga parking area.
Kaya naman ang payo ng pulisya sa mga may-ari ng sasakyan, huwag na lang mag-iiwan ng mahahalagang kagamitan sa loob ng kanilang sasakyan na maaring makapag-hikayat sa sindikato para umatake.
- Latest
- Trending














