Atienza inendorso
MANILA, Philippines - Inendorso ni dating Manila City Administrator Boy Herrera ang kandidatura ni dating Environment Secretary Lito Atienza na tinawag niyang “best of the good Mayors of Manila” sa isang pulong ng mga multi-sectoral groups noong Biyernes ng gabi. “Among the good, there is the best. And the best mayor is Lito Atienza,” ani Herrera. Sa kanyang bahagi, sinabi ni Atienza na nagpapasalamat siya sa karanasan at mga natutunan kay Herrera sa City Hall noong 1970s. Kung pagkakatiwalaang muli ng mga mamamayan ng bagong mandato, sinabi ni Atienza na ang respeto sa buhay at pagkakaloob ng pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan ang magiging pangunahing prayoridad sa ilalim ng Buhayin ang Maynila Part 2.
Samantala, binatikos ng campaign manager ni Atienza na si Ali ang umano’y dirty tricks ni Manila Mayor Alfredo Lim. Ginawa ni Ali ang pahayag matapos na makarating sa kampo nila na ibinibintang ng kampo ni Lim na nagpapalabas sila ng “red cards” na may picture ni Atienza at Bonjay para lituhin ang mga botante sa lugar at numero ng kanilang mga presinto. Nilinaw ni Ali na isa na naman itong dirty tactic ni “Dirty Harry” upang magalit ang mga botante sa kanila tulad ng ginawa ni Lim noong 2007 election. “Ginawa nila sa amin ito noon — namigay ng mga celphone cards sa media na may picture ko, na walang load, para magalit ang media sa amin. Ito na naman ang ginagawa nila ngayon,” ayon pa sa batang Atienza. Malaki ang hinala ni Ali na ginagawa ito ng kampo ni Lim, dahil hindi nila maipaliwanag ang mga nahuling election results na ginagawa sa loob mismo ng EDP sa ilalim ng Office of the Mayor.
- Latest
- Trending