MANILA, Philippines - Pinayuhan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang mga botante at mga residente ng Maynila na alamin ng maaga ang kanilang polling precinct upang maiwasan ang anumang kalituhan at panloloko sa araw ng halalan.
Ayon kay Lim, ang kanyang payo ay bunsod na rin umano ng panlilito ng kanyang kalaban sa pulitika kung saan isang calling card size card ang ipinamimigay sa mga residente na dito nakalagay ang maling presinto ng botante.
Sinabi naman ni Secretary to the mayor Atty. Rafaelito Garayblas, hindi umano maaaring ipagwalang-bahala ang reklamo ng mga residente ng Maynila na nagtungo sa city hall upang ireklamo ang panlilito gamit ang isang card na may mukha pa umano ni dating DENR Secretary Lito Atienza.
Nabatid kay Garayblas na ikinagulat ng mga botanteng nabigyan ng card ang maling polling precinct at paaralan dahil posibleng ito ang maging dahilan ng failure of elections.
Samantala, ibinunyag naman ni secretary to the vice mayor Bernie Ang na patuloy ang mga death threats na natatanggap ni Vice Mayor Isko Moreno mula sa text messages hanggang sa bahay nito sa Tondo, Maynila.