Morong 38 inilipat na sa Camp Bagong Diwa

MANILA, Philippines - Matapos ang mag-urong-sulong, inilipat na rin kahapon ang 38 sa  Morong 43 na sinasabing miyembro at opisyal ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa , Bicutan Taguig City.

Ayon kay Army Spokesman Lt. Col. Ernesto Torres Jr., ang hakbang ay matapos na katigan ng korte ang kanilang mosyon na ilipat na sa nasabing kulungan ang nalalabi na lamang Morong 38.

Sinabi ni Torres ang paglilipat sa mga ito ay alinsunod sa kautusan ni Regional Trial Court (RTC) 78 Judge Amorfina Cerrado-Cezar na isailalim sa kustodya ng nasabing piitan ang mga nadakip.

Ang lima pa ay naiwan naman sa Camp Capinpin, sa Tanay, Rizal matapos ang mga itong magbalik-loob na sa gobyerno. Sinabi ni Torres na dakong alas-2:30 kahapon ng ibiyahe patungong Bicutan ang nasabing Morong 38.

Show comments