Ginang sugatan sa 'lover' ni mister
MANILA, Philippines - Malaking biyak sa ulo ang tinamo ng isang ginang makaraang paluin ng “lover” ng kanyang mister kahapon ng madaling-araw sa Pasay City. Nakalabas din naman sa Pasay City Gen. Hospital makaraang lapatan ng karampatang lunas ang 52-anyos na si Beatriz delos Santos, ng Tramo St., Pasay. Agad ni tong ipinaaresto ang suspek na si Gloria Melo, 39, ng Zamora St., Pasay. Sinampahan ito ng reklamong physical injuries. Naganap ang insidente dakong alas-4 ng madaling-araw sa harapan ng bahay ni Melo. Sinabi sa pulisya ng ginang na matagal na siyang naghihinala sa pakikipagrelasyon ng asawang si Felix kay Melo. Kamakalawa ng gabi ay hindi nakauwi ng bahay si Felix kaya’t nagpasya ang ginang na magtungo sa bahay ni Melo at dito niya nakita si Felix kaya’t sinigawan niya ang mister na lumabas na at umuwi. Sa halip na si Felix ang lumabas ang babae niya ang lumabas na may hawak ng bote at hinataw sa ulo ang ginang.
- Latest
- Trending